Magandang Balita Biblia Ang Pinakadakila 33 Dumating sila sa Capernaum. Nang sila’y nasa bahay na, tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?”
34 Hindi sila makasagot sapagkat ang pinagtatalunan nila’y kung sino sa kanila ang pinakadakila.
35 Naupo si Jesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.”
36 Tinawag niya ang isang bata at pinatayo sa gitna nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanyang mga alagad,
37 “Ang sinumang tumatanggap sa isang batang tulad nito alang-alang sa aking pangalan ay ako ang tinatanggap; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi lamang ako ang kanyang tinatanggap kundi pati na rin ang nagsugo sa akin.”
All Glory is to our God and our Lord and Saviour Jesus Christ
Magandang Balita Biblia Tagubilin sa mga Magulang at mga Anak 6 Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang, [alang-alang sa Panginoon,][a] sapagkat ito ang nararapat. 2 “Igalang mo ang iyong ama at ina.” Ito ang unang utos na may kalakip na pangako: 3 “Magiging maganda at mahaba ang iyong buhay sa lupa.”
4 Mga magulang, huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at aral ng Panginoon.
All Glory is to our God and our Lord and Saviour Jesus Christ
Magandang Balita Biblia Ang Mayaman at si Lazaro 19 “May isang mayamang laging nakasuot ng mamahaling damit at saganang-sagana sa pagkain araw-araw.
20 May isa namang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at nakahiga sa may pintuan ng mayaman
21 sa hangad na matapunan man lamang ng mga mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng mga aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat.
22 Namatay ang pulubi at siya’y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing.
23 Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay,[a] natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham.
24 Kaya’t sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako’y naghihirap sa apoy na ito.’
25 Ngunit sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay noong ikaw ay nasa lupa, at si Lazaro naman ay nagtiis ng kahirapan. Subalit ngayon ay inaaliw siya rito samantalang ikaw nama’y nagdurusa riyan.
26 Bukod dito, may malaking bangin sa pagitan natin, kaya’t ang mga naririto ay hindi makakapunta diyan at ang mga naririyan ay hindi makakapunta rito.’
27 “Ngunit sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon po, Amang Abraham, ipinapakiusap kong papuntahin na lamang ninyo si Lazaro sa bahay ng aking ama,
28 sa aking limang kapatid na lalaki. Suguin po ninyo siya upang sila’y bigyang-babala at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’
29 Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga kasulatan ni Moises at ng mga propeta; iyon ang kanilang pakinggan.’
30 Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sapat ang mga iyon. Ngunit kung magpapakita sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, magsisisi sila’t tatalikuran ang kanilang mga kasalanan.’
31 Sinabi naman sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’”
All Glory is to our God and our Lord and Saviour Jesus Christ